Nagpahayag ng pakikidalamhati ang ilang senador sa pagpanaw ng broadcaster na si Mike Enriquez.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, napakalaki ng legasiyang iniwan ni Manong Mike bilang isa sa pinaka pinagkakatiwalaang boses sa mundo ng pagbabalita.
Tiyak anyang mamimiss ng lahat ang gabi-gabi nitong boses na nagsasabing, “walang kinikilingan, walang pinoprotektahan, walang kasinungalingan, serbisyong totoo lamang.”
Sa kanya namang pakikiramay, inilarawan ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang broadcaster bilang boses ng katotohanan, mga kadahilanan at katapangan.
Sinabi naman ni Senador Lito Lapid na ang pagpanaw ni Mike ay napakalaking kawalan sa news and media industry.
Ibinahagi naman ni Senador Risa Hontiveros ang kanyang karanasan kasama si Mike Enriquez na inilarawan niyang magiliw, marunong, at dignified na senior anchor nang magkasama sila sa GMA Network News noong 1990s.
Hindi anya matatawaran ang mga kontribusyon ng mamamahayag sa industriya ng broadcasting at news media sa Pilipinas bilang boses ng balita at komentaryo.
Idinagdag ni Hontiveros na walang makakalimot sa kanyang nakakaenganyong tinig at paraan ng paghahatid ng balita, na naging bahagi na ng ating pang-araw araw na buhay. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News