Tiwala si Senate President Juan Miguel Zubiri na malalagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ikalawa o ikatlong linggo ng Hulyo ang panukalang Maharlika Investment Fund (MIF).
Ito ay sa gitna nang inaasahang pagpirma ni House Speaker Martin Romualdez sa enrolled bill ng MIF ngayong linggo.
Kasunod nito ay ihahanda naman ng economic team at ng isang konseho ang Implementing Rules and Regulations (IRR) at ang mga taong mangangasiwa ng MIF.
Binigyang-diin ni Zubiri na titiyakin nilang “best of the best” ang pipiliin para mangasiwa ng MIF.
Dapat anya ang maitatalagang mangangasiwa ng naturang pondo ay mayroong karanasan sa private banking at finance.
Ipinaalala ng senate leader na mahigpit ang criteria para rito at inihalintulad ang proseso sa pagpili ng mga judges ng Judicial and Bar Council (JBC). —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News