![]()
Naglabas ang National Bureau of Investigation (NBI) ng subpoena para sa mga beauty queens na sina Michelle Dee at Samantha Panlilio, maging sa aktres na si Rhian Ramos.
Kaugnay ito sa reklamo ng driver ni Rhian kung saan sinaktan at tinortyur umano ito ng tatlong babae sa loob ng condominium ng aktres noong Jan. 17, dahilan para maisip katapusan na ng kanyang buhay.
Kinumpirma ni Atty. Maggie Abraham-Garduque, abogado ni Michelle, na natanggap ng kanilang opisina ang subpoena para sa kanilang kliyente noong nakaraang linggo.
Sinabi rin ni Garduque na nakatanggap din ang kabilang partido ng subpoena mula naman sa Office of the City Prosecutor ng Makati para sa qualified theft na isinampa ni Michelle laban sa driver na si alyas “Totoy.”
Idinagdag ng abogado na binigyan ang driver ng hanggang March 3 para magsumite ng counter-affidavit, at kung hindi ito tatalima ay magiging submitted for resolution na ang kaso.
