Nanawagan ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa Pasay City government na aksyunan na sa lalong madaling panahon ang abandonadong gusali ng Philippine Village Hotel na matatagpuan sa lumang Nayong Pilipino sa Pasay City.
Ito ay dahil sa nagdudulot ito ng panganib sa mga nasa paligid nito lalo na sa NAIA T2 at sa 250th Presidential Airlift Wing.
Ayon kay MIAA OIC Bryan Co, dahil sa abandonadong Philippine Village Hotel Inc. hindi makagalaw ang MIAA para ma-secure ang paligid.
Umapela si Co na mapahintulutan ang MIAA na siguruhin ang seguridad sa paligid ng abandonadong hotel laban sa criminal elements at natural and manmade disasters.
Hiniling rin ni Co kay Pasay City Mayor Ime Calixto Rubiano na magsagawa ng structural assessment sa naturang hotel para matukoy ang lebel ng panganib sakaling ito ay gumuho. —sa ulat ni Tony Gildo, DZME News