dzme1530.ph

MIAA, tiniyak na walang brownout sa NAIA para sa Holy Week exodus

Tiniyak ng Manila International Airport Authority na walang magiging aberya sa suplay ng kuryente sa Ninoy Aquino International Airport, sa inaasahang pagdagsa ng mahigit isang milyong pasahero para sa Semana Santa.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, inihayag ni MIAA Spokesperson Atty. Chris Bendijo na isinagawa na ang mga preventive maintenance noong mga nagdaang buwan kung saan ininspeksyon ang lahat ng linya ng kuryente, power relays, at power switches.

Sinabi pa ni Bendijo na para sa NAIA Terminal 3, dalawa ang magiging source ng kuryente, ang isa ay mula sa Pasay City at isa ay mula sa Parañaque.

Kung magshu-shutdown umano ang isang electricity source ay mayroon pang isang mapagkukunan ng suplay.

Bukod dito, ininspeksyon at maayos din umanong minaintain ang generator sets upang matiyak na hindi mahihinto ang operasyon ng paliparan.

Sinabi ng MIAA na natuto na sila sa nangyaring blackout sa nakaraan, kung saan hindi umano naging priority ang basic operations sa generator sets.

About The Author