dzme1530.ph

MIAA, humingi ng pang-unawa sa publiko kaugnay ng pagsasailalim sa NAIA sa Lightning Alert

Umapela ang Manila International Airport Authority (MIAA) ng pang-unawa at pakikiisa ng publiko sa tuwing isasailalim sa Lightning Red Alert ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ito’y makaraang makatanggap ng reklamo mula sa mga pasahero ang MIAA dahil sa dalawang oras na tigil-operasyon sa NAIA kahapon makaraang magtaas ng Lightning Red Alert ang PAGASA kahapon.

Ayon kay MIAA Officer-In-Charge Bryan Co, 2012 pa sila nagpapatupad ng ganitong panuntunan lalo na sa tuwing nakararanas ng masamang panahon ang mga paliparan.

Paliwanag pa ni Co, bagaman may mga nakalagay na 20 lightning arresters at 4 na lightning shelters ang buong paliparan, nais pa rin nilang makatiyak na ligtas ang kanilang mga tauhan gayundin naman ang mga pasahero.

Maliban aniya sa NAIA, nagpapatupad din aniya ng kahalintulad na panuntunan ang mga paliparan sa iba’t ibang panig ng mundo tulad ng Australia, Brunei, at Hong Kong. —sa ulat ni Tony Gildo, DZME News

About The Author