Exempted na sa travel tax ang mga pasaherong manggagaling ng airports at seaports sa Palawan at Mindanao, at magtutungo sa mga lugar na saklaw ng East-ASEAN Growth Areas sa Indonesia, Malaysia, at Brunei.
Sa memorandum Order no. 29, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Travel Tax Exemption sa Brunei Darussalam-Indonesia-Malaysia-Philippines-East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA) upang mapabilis pa ang economic development ng Mindanao at Palawan.
Nakasaad na dati na ring itong ipinatupad upang makahikayat ng mas marami pang investors sa BIMP-EAGA, at ito ay nakalinya rin umano sa Philippine Development Plan partikular sa pagsusulong ng turismo at pag-aalis ng mga balakid sa kalakalan at investments.
Magiging saklaw din ng travel tax exemption ang mga pasaherong may connecting flights sa Mindanao at Palawan at BIMP – EAGA.
Epektibo sa lalong madaling panahon ang travel tax exemption, at ipatutupad ito hanggang June 30, 2028.
Mababatid na binuo ang BIMP – EAGA, para sa kooperasyon sa pagpapaunlad ng remote at less developed areas.