dzme1530.ph

Mga turista, pinayuhang huwag munang bumiyahe sa mga lugar na apektado ng bagyong #AmangPH

Pinayuhan ng Office of Civil Defense (OCD) ang mga turista na ipagpaliban na muna ang pag-bisita sa mga lugar na apektado ng bagyong “Amang”.

Sa Laging Handa public briefing, inihayag ni OCD Joint Information Center Head Diego Agustin Mariano na partikular na dapat iwasan ang mga lugar na may nakataas na tropical cyclone wind signal.

Kung sila naman ay nandoroon na sa mga apektadong lugar, mabuti umanong manatili muna sa loob ng bahay o sa kanilang tinutuluyan at huwag munang lumabas kung hindi kinakailangan.

Kabilang sa mga lugar na nasa ilalim ng signal no. 1 dahil sa bagyong Amang ay ang Catanduanes, ilang bahagi ng Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, bahagi ng Laguna, Aurora, ilang parte ng Quezon, bahagi ng Rizal, ilang lugar sa Bulacan, at ilang bahagi ng Nueva Ecija.

Tiniyak naman ng OCD na naka-preposition na ang lahat ng assets, rescuers, at relief items para sa mga masasalanta ng bagyo, at patuloy din itong nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang kaukulang ahensya. —sa ulat ni Harley Valbuena

About The Author