Nagbabala si Senador Win Gatchalian na maitataboy nang patuloy na pagkakasangkot ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa iba’t ibang krimen, kabilang na ang human trafficking, ang mga turista.
Sinabi ni Gatchalian na mawawalan ng silbi ang mga hakbang ng gobyerno para mapalakas ang turismo kasama na ang pagpapalit ng slogan na “Love The Philippines” kung patuloy naman ang mga krimen dahil sa negosyo ng POGO.
Binigyang diin ni Gatchalian na kapayapaan at kaayusan ang magdadala sa atin sa patuloy na pag-unlad at magbibigay ng mas maraming oportunidad na trabaho para sa ating mga kababayan.
Subalit ang industriya ng POGO ay nagbibigay ng karagdagang problema sa kapayapaan at kaayusan.
Batay sa datos ng Department of Tourism, nakapagtala ang bansa ng mahigit 2-M dayuhang turista noong nakaraang taon mula nang magbukas ang bansa noong Pebrero 2022.
Iginiit ni Gatchalian na kung tuloy-tuloy ang mga ulat ng kriminalidad tulad ng human trafficking at kidnap-for-ransom, malaki ang posibilidad na sa halip na sa Pilipinas ay sa ibang destinasyon sa Asya magtungo ang mga turista. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News