dzme1530.ph

Mga tripulante ng BRP Teresa Magbanua, sinubok ng gutom at uhaw sa kanilang misyon sa Escoda Shoal

Tiniis ng mga tripulante ng BRP Teresa Magbanua ang gutom at uhaw sa loob ng ilang linggo matapos harangin ng Chinese forces ang resupply missions para sa barko ng Philippine Coast Guard na nagbabantay sa Sabina Shoal.

Mahigit 60 crew members ng PCG vessel na naka-deploy sa Escoda Shoal sa West Philippine Sea ang kumain ng lugaw sa loob ng tatlong linggo para maibsan ang kanilang gutom.

Ayon kay Ensign Janey Anne Paloma, paminta at asin lamang ang inilalagay nila sa lugaw dahil yun na lamang ang natira sa kanilang supply.

Aniya, mayroon silang mga kasamahan na nahihilo na sa gutom at kung minsan ay itinutulog nalang nila ang kalam ng sikmura sa gabi.

Bagaman maaring i-filter ang tubig-dagat sa pamamagitan ng freshwater generator, iniipon ng mga tripulante ang tubig-ulan para inumin, pati na ang tubig mula sa air conditioning unit ng barko.

Mayroong mga in-airdrop na supplies noong Aug. 28 subalit kulang ito para sa lahat ng nakasakay sa barko dahil, ito ang unang beses na nasuplayan ang Teresa Magbanua mula ng i-deploy ito sa Escoda noong Abril. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author