Maaaring gamitin ng International Criminal Court (ICC) ang mga testimonya at iba pang mahahalagang impormasyon sa mga pagdinig ng quad committee ng Kamara sa imbestigasyon nito sa war on drugs ng Duterte administration.
Pahayag ito ni Retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, subalit dapat aniyang opisyal na maisumite ang transcript at video ng televised quadcom hearings sa ICC, upang maisama sa case build-up sa Crimes Against Humanity na nangyari sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Noong nakaraang linggo ay ibinunyag ni Ret. Pol. Col. Royina Garma sa quadcom ang tungkol sa “reward system” para sa mga pulis na pumaslang ng drug suspects sa halagang ₱20,000 hanggang ₱1-M.
Kasunod nito ay hiniling ni Atty. Kristina Conti, isang ICC-accredited lawyer, kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isumite ang testimonya ni Garma sa ICC.
Gayunman, sinabi ng Malacañang na hindi magbabago ang posisyon ng Pangulo na hindi kilalanin ang hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera