Dapat ipatawag din sa susunod na pagdinig kaugnay sa mga katiwalian sa flood control projects ang mga opisyal ng Commission on Audit (COA).
Ito ang iginiit ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada sa paniniwalang hindi uusbong ang isang “ghost project” kung walang kooperasyon ng COA.
Kahapon, sa privilege speech ni Senador Panfilo “Ping” Lacson, ibinahagi ang isang pie-sharing, o kung paano hinahati ang pondo para sa flood control projects, kung saan 0.5 hanggang 1% umano ang napupunta sa COA.
Iginiit ni Estrada na dapat may ulong gumulong o may managot sa mga katiwaliang kinasasangkutan ng mga proyekto ng gobyerno.
Posible rin aniya na ilang empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kumukorner ng mga kontrata para sa proyekto.
Gayunpaman, nasa kamay pa rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung sisibakin o hindi si Sec. Manuel Bonoan.
Subalit hindi isinasantabi ng senador ang posibilidad na hindi batid ng kalihim ang mga nangyayari sa ilalim ng kanyang pamunuan at nabubulag siya ng kanyang mga undersecretary, regional director, district engineer, at iba pa.