Naniniwala ang Philippine Coast Guard na ang oil spill mula sa lumubog na motor tanker Princess Empress ay mula sa operational fuel nito, at hindi pa ang kabuuan ng 800,000 liters ng industrial oil na karga nito.
Sinabi ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na nakatanggap sila ng imahe mula sa National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) na nagpapakitang tila intact pa rin ang oil tanks ng lumubog na barko sa Oriental Mindoro.
Inihayag ng Department of the Environment and Natural Resources (DENR) na ang NAMRIA rin ang nakatagpo sa lumubog na motor tanker 400 meters below sea level, 7.5 nautical miles mula sa Balingawan Point.
Idinagdag ni Balilo na sa tingin niya ay hindi pa tumatagas ang lahat ng langis at ito ang kanilang inaagapan dahil sa sandaling mangyari ito ay malaki aniya talagang problema.
Una nang tinaya ng DENR na 591 hectares ng coral reefs, 1,626 hectares ng mangroves, at 362 hectares ng seagrass o seaweeds ang posibleng maapektuhan ng oil spill.