Inihayag ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na dapat nang paghandaan ang mga susunod pang baha sa harap ng paparating na La Niña phenomenon.
Sa situation briefing sa Mauban, Quezon kaugnay ng epekto ng Carina at Habagat, sinabi ng Pangulo na dapat tukuyin ang dahilan kung bakit may mga lugar na dati ay hindi naman binabaha ngunit ngayon ay pinasok na ng tubig.
Kailangang umanong alamin kung saan nanggagaling ang tubig at kung ano ang gagawin para maharang ito.
Kaugnay dito, muli umanong pag-aaralan ang lahat ng flood-control projects upang mai-akma ito sa kasalukuyang panahon, dahil ngayon ay mas mataas na ang lebel ng tubig sa karagatan dahilan para umapaw ang mga dike at flood-control facilities tuwing high tide.
Sinabi ni Marcos na ito ay magiging isang national plan.
Samantala, pinaaayos na rin ng Pangulo ang nasirang bahagi ng Lucban-Sampaloc-Mauban Road, na ngayon ay isang lane lamang ang passable o nadadaanan ng mga motorista.