Tiwala si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. na tatalakayin ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM) sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ang direksyon at mga pangunahing solusyon sa mga kasalukuyang problema ng bansa.
Kabilang sa inaasahan ng senador na marinig sa Pangulo ang mga hakbangin kung paano tuluyang mapapababa ang presyo ng mga bilihin kaakibat ang pagtugon sa kahirapan at gutom na nararanasan ng ating mga kababayan.
Inaasahan din ng mambabatas na tatalakayin ng Presidente ang kanyang mga hakbangin upang maparami pa ang mga kalidad at disenteng trabaho na maaaring pasukan ng ating mga manggagawa, kasama na ang pagtataas ng kanilang mga sahod.
Katuwang ang Bise Presidente at DepEd Secretary Sara Duterte, aabangan din ni Revilla ang magiging roadmap kung paano mas mapapaganda ang lagay ng ating education sector.
Umaasa siyang mabanggit din ng Pangulo kung paano matutulungan i-angat ang allowances na natatanggap ng mga guro.
Iginiit ni Revilla na ang mataas na approval rating ng Pangulo ay magandang indikasyon na ang unang taon sa kaniyang panunungkulan ay nasa tamang direksiyon.
Kumpiyansa ang Senador na ang kasalukuyang administrasyon ay magpapatuloy sa mga magaganda nasimulan, lalo na at nakayanan nitong maipasa ang karamihan ng mga proyoridad na panukalang batas. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News