dzme1530.ph

Mga sinehan, hinimok na linawin na fiction lang ang nine-dash line ng China sa Barbie movie

Malinaw na isang fiction ang pelikulang Barbie katulad ng nine-dash line ng China.

Ito ang binigyang-diin ni Senador Risa Hontiveros bilang reaksyon sa pagba-ban ng Vietnam sa pelikulang Barbie dahil sa pagpapakita ng nine dash line ng China sa South China Sea.

Sinabi ni Hontiveros na kung ipapalabas sa bansa ang pelikula ay dapat magkaroon ng disclaimer o linawin sa manonood na ang nine-dash line ay bahagi lamang ng imaginasyon ng China.

Samantala, nanawagan si Hontiveros sa Senado na agad talakayin sa pagbabalik sesyon ang kanyang resolusyon kaugnay sa paghimok sa administrasyong Marcos na iakyat sa United Nations General Assembly (UNGA) ang patuloy na pambubully ng China sa ating teritoryo sa West Philippine Sea.

Ang apela ng senadora sa Mataas na Kapulungan ay hinggil na rin sa pinakahuling insidente noong June 30 sa West Philippine Sea kung saan hinabol ng armada ng Chinese Coast Guard vessels at militia ang dalawang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos magsagawa ng resupply mission sa barko ng Philippine Navy.

Tinawag ni Hontiveros ang China na reckless at iresponsable dahil sa nasabing insidente kasabay ng pahayag na ang patuloy na pagtatangka ng China na sakupin ang ating teritoryo ay nagpapakita lamang ng kawalang respeto sa international law. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author