Muli nang nagpatuloy ang pagdinig ng Senate Committee on Women kaugnay sa POGO operations kung saan humarap nang muli si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo matapos itong maaresto sa Indonesia.
Sa kanilang opening statements, ipinamukha ng mga senador ang paulit ulit na pagsisinungaling ni Alice Guo sa pagharap niya sa Senado noong Mayo.
Iginiit ni Sen. Risa Hontiveros na hindi uubra sa kanila ang pagpapapa-cute ni Guo at hindi katanggap-tanggap ang celebrity treatment.
Tahasan ding iginiit ni Sen. Jinggoy Estrada kay Guo ang pagsisinungaling niya sa paggiit na hindi siya totoong lumaki sa farm, hindi totoo si Teacher Rubilyn gayundin ang iba pa nitong mga inilahad sa kumite.
Sinabi naman ni Sen. Joel Villanueva na kung hindi nakalkal ang buong katotohanan sa kaso ni Alice Guo ay posibleng magkaroon pa ang bansa ng Presidenteng inisponsoran ng POGO.
Iginiit naman ni Sen. Sherwin Gatchalian na tukoy na sa mga ebidensya na kanilang nakalkal ang tunay na pagkatao ni Guo mula sa kanyang birth certificates hanggang sa kanyang mga bank accounts kaya’t malinaw na mas marami siyang kasong kahaharapin.
Iginiit naman nina Sen. JV Ejercito at Sen. Raffy Tulfo na bukod sa mga impormasyon sa POGO operations dapat isiwalat din ni Guo ang mga tumulong sa kanya para makatakas sa bansa. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News