Dapat mag-usap-usap ang 23 senador kaugnay sa isyu ng itinatayong bagong gusali ng Senado sa Taguig City.
Ito ang binigyang-diin ni Sen. Sherwin Gatchalian matapos magkainitan sina Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Nancy Binay sa pagdinig ng Senate Committee on Accounts kaugnay sa proyekto.
Ayon kay Gatchalian, inaprubahan sa 17th, 18th at ngayong 19th Congress ang pagtatayo at pondo para sa gusali, kailangan aniyang gawin ngayon ay i-update ang mga senador sa tunay na estado ng proyekto.
Mapag-uusapan aniya kung kailangan bang mabawasan ang budget ng isang bahagi ng proyekto para makatipid.
Ang mahalaga ay maitayo ang gusali upang makapagtrabaho na sila doon.
Kasabay nito, iginiit ni Gatchalian na kung may pagbabago mang nangyari sa disenyo ng gusali ay hindi ito personal na desisyon ni Sen. Nancy Binay na dating Chairperson ng Senate Committe on Accounts.
Sa kabilang dako, aminado ang senador na nagulat siya sa palitan ng mga salita nina Binay at Cayetano sa pagdinig.