dzme1530.ph

Mga sangkot sa paglalabas-pasok ng high profile detainee sa NBI detention facility, dapat managot!

Pinatitiyak ni Senador Jinggoy Estrada sa National Bureau of Investigation (NBI) na may managot o may masibak sa natuklasang paglalabas-pasok ng high profile detainee at alleged drug trafficker na si Jed Dera.

Sinabi ni Estrada na matinding dagok ito sa imahe ng NBI na itinuturing na Prime Law Enforcement Agency.

Aminado ang senador na nakakaalarma ang pangyayari na nakakalabas ang inmates sa pasilidad ng NBI kasabawat ang ilang security officers o jail guards ng detention facility.

Ikinatuwa naman ng mambabatas ang agad na suspensyon sa pinuno ng Chief Security at head ng NBI detention facility bukod pa sa isinampang kaso sa anim na security personnel na kasabwat ni Dera sa  paglabas sa pasilidad ng NBI.

Ipinauubaya naman ng senador sa kamay ng Department of Justice kung magkakaroon ng reshuffle sa mga NBI personnel at kung hahabulin pa ang iba pang sangkot sa katiwalian sa pagpapalabas ng inmates.

Sa panig ni Senador Francis Tolentino, iginiit nito na dapat ay magkaroon ng regular rotation sa mga security personnel sa detention facility ng NBI upang maiwasan ang familiarity. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author