dzme1530.ph

Mga sangkot sa kontrobersyal na sugar importation, dapat unahing tamaan sa babala ng Pangulo laban sa smuggling

Hinamon ni Senadora Risa Hontiveros si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na totohanin ang kanyang babala laban sa mga smugglers at hoarders sa pamamagitan ng agad na pagsasampa ng kaso laban sa mga ito.

Sinabi ni Hontiveros na kung seryoso ang Pangulo sa kanyang pahayag, dapat  simulan ito sa mga sangkot sa smuggling ng asukal.

Partikular na tinukoy ni Hontiveros ang mga opisyal ng Department of Agriculture at iba pang opisyal ng executive department na nagpahintulot ng anya’y smuggling ng tone-toneladang asukal.

Ipinaalala ni Hontiveros ang tatlong kumpanyang nagpasok sa bansa nitong buwan ng Pebrero ng daan-daan libong tonelada ng asukal mula sa bansang Thailand, bago lumabas ang Sugar Order number 6.

Binigyang-diin ng mambabatas na base sa Anti-Agricultural Smuggling Law, malinaw na ang pagpupuslit ng imported na asukal ng walang sugar order mula sa sugar regulatory administration ay maituturing na smuggling.

Iginiit ni Hontiveros na dapat nakasuhan na ng economic sabotage ang mga sangkot subalit hanggang sa ngayon wala pa ring naisasampang kaso laban sa mga ito. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author