Binatikos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang umano’y mga palpak na flood control project sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa kanyang SONA, sinabi ng Pangulo na sa pag-iikot niya matapos ang pananalasa ng mga bagyo at habagat, nakita niya ang ilang proyektong pinondohan ngunit hindi ginawa, at may mga proyektong sablay ang pagkakagawa.
Dahil dito, inatasan niya ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsumite sa Office of the President ng listahan ng lahat ng flood control projects sa bawat rehiyon na sinimulan at natapos sa nakalipas na tatlong taon.
Dagdag pa ng Pangulo, bubuo ng regional project monitoring committee na susuri sa mga report ng DPWH, kabilang ang mga sablay, hindi natapos, at ghost projects. Ang nasabing listahan ay isasapubliko upang masuri ng taumbayan.
Tiniyak din ni Marcos na kakasuhan ang lahat ng sangkot sa mga anomalya, kabilang ang mga kontratista, na naging dahilan ng mga palpak o hindi natapos na proyekto.