dzme1530.ph

Mga residente sa lugar na may outbreak ng pertussis, hinikayat na magsuot ng face mask

Hinikayat ng dating health adviser ng pamahalaan ang mga residente sa lugar na mayroong pertussis outbreak o whooping cough na magsuot ng face mask upang maiwasan ang patuloy na hawaan ng respiratory illness.

Ayon kay Health Reform Advocate Dr. Tony Leachon, kailangan ding obserbahan ang minimum public-health measures gaya ng paghuhugas ng kamay, habang naghihintay ng mga bakuna laban sa naturang sakit.

Kung siya aniya ang tatanungin, irerekomenda niya ang muling pagpapatupad ng mandatoryong pagsusuot ng face mask sa public areas, dahil posible rin na maging carrier ng pertussis ang mga nakatatanda.

Sa datos ng Department of Health sa unang sampung linggo ng 2024, pumalo na sa 453 ang mga kaso ng pertussis sa bansa, kung saan 35 rito ay nasawi.

Ang pertussis o whooping cough ay isang nakahahawang respiratory illness na sanhi ng bacteria na tinatawag na bordetella pertussis.

About The Author