Pinayuhan na ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga residenteng nakatira malapit sa bulkang Kanlaon sa Negros island na umiwas sa 4 km radius permanent danger zone, at sumunod sa mga payo at tagubilin ng mga lokal na awtoridad.
Ito ay kasunod ng pagputok at patuloy na pag-aalboroto ng bulkan.
Ayon sa pangulo, nasa 170 na pamilya o 796 na katao na ang naapektuhan at inilikas sa evacuation centers.
Ipinamahagi naman ang sleeping kits sa bayan ng La Castillana, at may 13, 000 family food packs na ang nakapre-position sa Negros island kaakibat ng paparating na karagdagang 40,000 food packs at non-food items.
Naka-standby din umano ang air assets para sa mas mabilis na pag-responde.
Tiniyak din ni Marcos na nananatiling nakatutok sa sitwasyon ang PHIVOLCS, NDRRMC, at DSWD.
Siniguro ng pangulo na handa at patuloy na magbibigay ng tulong ang pamahalaan hanggang sa makabalik ng ligtas sa kanilang tahanan ang mga apektado.