dzme1530.ph

MGA PULITIKO, OPISYAL NG GOBYERNO, POSIBLENG NASA LIKOD NG AGRI SMUGGLING, AYON SA ISANG SENADOR

Loading

NANINIWALA si Senador Francis “Kiko” Pangilinan na maaaring may mga pulitiko at kawani ng gobyerno ang tumatayong financiers o backers ng malakihang agricultural smuggling sa bansa. 

 

Sinabi ng chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform na maikukumpara ang agricultural smuggling sa anomalya sa flood control.

 

Malinaw anyang may kasabwat sa gobyerno at mayroong financier na mga contractor.

 

Bukod dito, iginiit ng mambabatas na lumitaw na rin sa kanilang pagdinig ang paggamit ng mga ordinaryong tao bilang dummy ng ilang sindikato.

 

Ilang mga importers din ang gumagamit ng dummy accounts para makatakas sa batas hindi lamang dahil sa kanilang pag-angkat ng smuggled na agricultural products, kundi ng mga produktong hindi angkop sa pagkain ng tao. 

 

Kasabay nito, muling kinondena ni Pangilinan na wala pa ring naaaresto o nakukulong sa ilalim ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, kung saan ang iligal na pag-angkat ng higit P10 million na agricultural products ay non-bailable.

About The Author