Naging emosyonal si Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa kanyang panawagan sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na maging matino at gawin nang tama ang kanilang tungkulin na pagsilbihan at protektahan ang mamamayan.
Sa kanyang closing remarks sa ikatlong araw ng pagdinig sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pang mga lokal na opisyal, inamin ni dela Rosa na hindi siya masaya na siya pa mismo na dating hepe ng PNP ang nag-iimbestiga sa mga kapalpakan, iregularidad at kapabayaan ng mga pulis.
Sinabi ni dela Rosa na masakit sa kanya na makitang may mga pulis na nagpapagamit at hindi pinapahalagahan ang organisasyon.
Aminado ang senador na masyado nang bugbog ang PNP at demoralisado ang mga miyembro nito bunsod ng pagkakasangkot ng ilang mga pulis sa kalokohan subalit dapat pa rin itong bumangon at patunayan sa publiko na maaasahan at mapagkakatiwalaan pa rin sila.
Sa pagdinig kahapon, isa pang pulis na kinilala si Police Staff Sgt. Noel Alabata ang na-cite for contempt dahil sa tahasang pagsisinungaling sa harap ng mga senador kaugnay sa pagkakasangkot nito sa tangkang pagpatay sa isang negosyante sa Negros Oriental. —sa ulat ni Dang Garcia