Inirekomenda ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Ronald dela Rosa na ibalik ng PNP ang polisiya na paggamit ng batuta at pito upang hindi agad gumamit ng baril sa paghahabol sa mga kriminal.
Sa pagdinig ng kumite kaugnay sa pagpatay kay Jemboy Baltazar dahil sa mistaken identity, sinabi ni dela Rosa na sa ngayon walang less lethal equipment ang mga pulis kaya naman baril ang agad nilang ginagamit sa bawat operasyon.
Sinabi ni dela Rosa na personal din niyang sinabi kay PNP chief Benjamin Acorda Jr. ang rekomendasyon na ibalik ang paggamit ng batuta at pito na gagamitin sa pagbibigay ng warning sa mga hinahabol nilang indibidwal at hindi agad pagpapaputok ng baril.
Kung napapangitan anya ang mga pulis sa batuta ay maaari naman silang gumamit ng baton, truncheon o light stick o ang tinatawag niyang telescopic baton.
Samantala, ipinakita ni Senador Risa Hontiveros sa pagdinig ang mga larawan na kuha noong araw na mapatay si Jemboy sa Navotas City.
Nakita sa larawan ang isang SWAT member na nakatutok ng assault rifle at isang grupo ng armadong lalaki na ang ilan ay naka-sibilyan, iba ang naka-uniporme ng pulis at ilan ang nakasuot ng full tactical SWAT gear.
Sinabi ni Hontiveros na patunay ito na maraming regulasyong nilabag ang mga pulis partikular sa pagpapaputok ng baril sa inosenteng sibilyan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News