dzme1530.ph

Mga proyekto ng gobyerno, nade-delay dahil sa problema sa right of way

Inamin ni Public Works and Highways Sec. Manuel Bonoan na maraming mga proyekto ng gobyerno ang nadedelay dahil sa problema sa pagbabayad sa right of way.

Sa pagtalakay sa proposed budget ng ahensya para sa susunod na taon, sinabi ni Bonoan na kabuuang ₱60-B na ang kanilang kailangan upang ipambayad sa mga right of way.

Subalit noong nakaraang taon anya ₱2.5-B lamang ang inilaan para sa right of way bagama’t ang kanilang hiningi ay ₱35-B habang para sa budget sa susunod na taon, binigyan ito ng alokasyon na ₱36.9-B.

Ipinaliwanag ni Bonoan na taun-taon lumalaki ang obligasyon sa right of way lalo na ang mga nadesisyunan na ng mga Korte kung hindi agad nababayaran.

Sinabi ng kalihim na ang utang sa mga right of way na nadesisyunan na ng Korte ay nagkakaroon ng interest kada taon ng 6-12%.

Dagdag din aniyang problema kapag ang mayari ng lupang subject ng right of way ay namatay na at naipasa na sa tagapagmana.

Ang mga ganitong sitwasyon anya ay dumaraan pa sa judicial process na nagdudulot ng karagdagang delay sa mga proyekto.

Tiniyak naman ni Sen. Juan Miguel Zubiri ang pagsuporta sa hinihinging pondo ng DPWH kasabay ng paliwanag na kadalasan ang ahensya pa ang nagdurusa dahil sila ang kinakasuhan kapag nadedelay ang mga proyekto. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author