On track pa rin ang Senado sa target ipasang priority bills ng administrasyon.
Ito ang tiniyak ni Senate Majority Leader Joel Villanueva matapos ang naging pulong ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa Malakanyang kahapon.
Ayon kay Villanueva, sa 20 priority bills na kinakailangang maipasa ngayong taon, tatlo na ang inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa partikular ang Trabaho Para Sa Bayan bill, LGU Income Classification bill at ang Philippine Salt Industry Development bill.
Ngayong linggo naman ay naipasa na nila sa ikalawang pagbasa ang Ease of Paying Taxes bill, Internet Transactions bill, New Philippine Passport bill at Public-Private Partnership bill.
Idinagdag pa ng majority leader na bago ang senate break sa susunod na linggo ay target nilang maaprubahan ang Magna Carta of Filipino Seafarers bill at ang Anti-Agricultural Smuggling bill.
Ilang mga panukala din anya ang naidagdag sa priority bills ng administrasyon gaya ng pagpapataw ng Excise Tax sa mga single-use plastic, pag-amyenda sa Government Procurement Act at ang Philippine Maritime Zones Bill.
Iginiit ng senador na napapanahon ang pagpapasa ng Philippine Maritime Zones bill sa gitna ng patuloy na paggigiit ng Pilipinas ng ating karapatan sa West Philippine Sea. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News