dzme1530.ph

Mga poste ng Meralco sa Binondo, Maynila bumagsak!

Tuluyan nang nag-collapse ang ilang poste ng Meralco at nadamay pa ang iba pang poste mula sa mga kinatatayuan nito sa kanto ng Quintin Paredes St., at Ongpin St., sa Binondo, Manila.

Ayon sa Manila Public Information Office, tatlo ang napaulat na sugatan sa insidente at kasalukuyan nang ginagamot sa ospital.

Sa initial report naman ng MPD, pasado 1:00 ngayong hapon nangyari ang insidente sa naturang lugar, halos katabi lamang ng Binondo church, kung saan walong de-motor na sasakyan at isang bisikleta ang nadamay.

Tiniyak naman ni Meralco Head, Corporate Communications Joe Zaldarriaga, pansamantalang shinut-down ang apektadong linya ng kuryente para sa kaligtasan ng publiko.

Inaasikaso na rin aniya ang mga nadamay at naapektuhan partikular sa aspeto ng property damage.

Humihingi naman ang Meralco ng pag-unawa at pasensya sa abalang naidulot ng insidente.

Pansamantala namang isinara ang daan sa buong Plaza Ruiz sa Binondo habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Manila City Engineering Department at MPD kung may iba pang nasaktan sa insidente at kung ano ang posibleng dahilan ng pagbagsak ng mga poste. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author