dzme1530.ph

Mga posibleng solusyon sa problema sa suplay ng kuryente, inilatag ng Alyansa senatorial candidates

Loading

Iba’t ibang posibleng solusyon sa problema sa suplay ng kuryente ang inilatag ng mga senatorial candidate ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa kanilang pagharap sa publiko sa Davao del Norte.

Sa press conference dito sa Tagum City bago ang proclamation rally ng Alyansa, sinabi ni dating Sen. Manny Pacquiao na panahon na ring pag-aralan ang pagkakaroon ng sariling nuclear power plant sa Mindanao upang maresolba ang mga problema sa suplay ng kuryente partikular sa mga lalawigan ng Davao.

Sinabi ni Pacquiao na dapat isaayos ang mga linya ng kuryente sa bawat sulok ng bansa upang maging stable ang suplay ng enerhiya.

Kinatigan ito ni Senate Majority leader Francis Tolentino subalit binigyang-diin na malaking hamon ang proseso sa pagkuha ng mga permit.

Tulad ni Makati City Mayor Abby Binay, sinabi ni Tolentino na dapat maglagak ng pamumuhunan sa renewable energy upang mas maraming mapagkukunan ng suplay ng kuryente.

Iginiit naman ni ACT CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo na dapat nang imbestigahan ang lahat ng prangkisa ng mga kooperatiba upang matukoy ang mga hindi naman nagpe-perform.

Sinegundahan ito ni dating DILG Sec. Benhur Abalos at iginiit na dapat magkaroon ng imbestigasyon sa mabagal na proseso ng paglalabas ng mga permit para sa mga nagnanais na mamuhunan sa electric company sa Davao at iba pang lalawigan

Binigyang-diin ni Abalos na dapat mabusisi ang implementasyon ng Anti-Red Tape Law na nagpapahirap sa ilang negosyante sa bansa.

About The Author