Naniniwala si Sen. Risa Hontiveros na nagiging pugad na ng mga pugante at kriminal ang mga POGO kaya’t mas lalo na itong dapat i-ban.
Kahapon ay ininspeksyon ni Hontiveros kasama si Sen. Win Gatchalian ang sinalakay na POGO house sa Bamban, Tarlac na nagpapatakbo ng love scams at cryptocurrency investment scams.
Anim na puganteng Tsino ang nadakip sa POGO house na siyang mga nagpapatakbo ng mga iligal na aktibidad.
Dito kinuwestiyon ni Hontiveros ang gobyerno kung bakit hanggang ngayon ay hindi mapalayas ang mga POGO kasabay ng patutsada na posibleng may malalaking protektor ang mga ito.
Sa kanyang Senate Resolution no. 1001, ibinulgar ni Hontiveros ang pag-abuso ng mga Chinese POGO workers sa Visa Upon Arrival (VUA) scheme para makapasok ng bansa na hindi nasusuri.
Posible anyang magpa-hanggang ngayon ay inaabuso pa rin ang VUA scheme makaraang madiskubre ang 295 dayuhan sa Tarlac.