Pinapayuhan ng Philippine Embassy sa Seoul ang lahat ng Pilipino na iwasan ang mga lugar kung saan gaganapin ang mga aktibidad ng malawakang kilos-protesta o pagtitipon ngayong araw April 4 2025.
Kasabay ito sa inaasahang pagpalabas ng pasya ng Constitutional Court of Korea sa impeachment case ni South Korean President Yoon Suk-Yeol ngayong Biyernes.
Ayon sa abiso ng Seoul Metropolitan Government (SMG), ang mga sumusunod na hakbang ay ipinatupad bilang pag-iingat.
Ang mga distrito ng Jongno-gu at Jung-gu ay idineklara bilang Special Crime Prevention Zones.
Nagkaroon ng mga restriksyon sa trapiko sa paligid ng Constitutional Court at pansamantalang isinara ang mga kalapit na palasyo, museo, at paaralan.
Ang Anguk Station (Subway Line 3) ay pansamantala ring isinara, at hindi hihinto ang mga tren sa istasyong ito.
Para sa agarang pangangailangan o emergency, maaaring makipag-ugnayan sa Embahada ng Pilipinas sa Korea sa pamamagitan ng emergency hotline: 010-9263-8119.