dzme1530.ph

Mga Pinoy na uuwi mula Lebanon, tatanggap ng ₱150,000 cash assistance

Tatanggap ng iba’t ibang tulong mula sa gobyerno ang mga uuwing Overseas Filipino Workers mula Lebanon sa harap ng tensyon, kabilang ang ₱150,000 cash assistance.

Sa ambush interview sa Malacañang, inihayag ni Dep’t of Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac na alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mula sa ₱50,000 ay itataas sa ₱75,000 ang financial assistance mula sa bawat ahensya para sa mga ire-repatriate na Pinoy, kaya’t ₱75,000 ang manggagaling sa DMW, at ₱75,000 ang magmumula sa OWWA.

Tatanggap din ng assistance kahit ang undocumented Filipinos.

Kasama rin sa mga tatanggaping tulong ng mga uuwing OFW ay ang physical checkup at psychosocial counseling mula sa DOH, financial assistance mula sa DSWD, training vouchers mula TESDA, employment facilitation ng DOLE, livelihood and entrepreneurship training mula sa DTI, at pag-alalay mula sa DA at DOT sakaling nais nilang mamuhunan sa agri at tourism-related businesses.

Sa ngayon umano ay nasa 1,000 Pilipino na ang nagpabatid ng interes na umuwi, ngunit 45 ang mauuna na at inaasahang darating ngayong linggo. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author