Hindi pa interesedong umuwi sa ngayon ang mga Pilipino sa Libya sa kabila ng idineklarang alert level 3 ng Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay ng sitwasyon sa nasabing bansa.
Sa Laging Handa public briefing, inihayag ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na sa ngayon ay maliliit na gulo lamang ang nangyayari sa Libya kaya’t pinili ng mga Pinoy na tanggihan muna ang voluntary repatriation.
Bukod dito, sinabi ni de Vega na ang mga Pinoy sa Libya ay pinapahalagahan ng Libyan Government.
Gayunman, ibinabahagi ng DFA na nais ng mga Pinoy na ayusin ang ilang labor issues tulad ng mga hindi nababayarang sweldo at end of service benefits.
Batay sa datos ng DFA, tinatayang nasa 2,300 ang mga Pinoy na kasalukuyang nasa Libya, at karamihan sa kanila ay nagtatrabaho sa medical field at sa oil and gas industry. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News