dzme1530.ph

Mga Pilipino, hinikayat ng Pangulo na makiisa sa mga aktibidad para sa Araw ng Kalayaan

Inanyayahan mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipino sa mga aktibidad kaugnay ng pagdiriwang ng ika-126 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.

Sa kanyang video message, inihayag ng Pangulo na simula ngayong araw June 10 ay mayroon nang mga idaraos na aktibidad sa Quirino Grandstand at Burnham Green tulad ng cooking competition, obstacle course race, mga konsyerto, at pagpe-pwesto ng mga Tiangge, tampok ang mga lokal na produkto.

Isasagawa rin ang “Labuyo Eating Contest” o ang Chili Festival at libreng film showing ng mga pelikula tungkol sa mga Bayani, habang hindi rin umano mawawala ang Bagong Pilipinas One-Stop Shop Caravan.

Sa June 12 naman ay idaraos ang Parada ng Kalayaan, tampok ang makukulay na float, mula sa iba’t ibang probinsya.

Bilang panghuling bahagi ng selebrasyon, magtatanghal ang P-Pop Girl group na BINI sa Miyerkules ng gabi.

About The Author