dzme1530.ph

Mga Pilipino, hinikayat na isabuhay ang kagitingan ni Lapulapu laban sa “modern-day oppressors”

Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipino na isabuhay ang kagitingang ipinakita ni Lapulapu, sa paglaban sa “modern-day oppressors” o mga mapang-api sa makabagong panahon.

Sa kanyang mensahe para sa ika-503 Anibersaryo ng Battle of Mactan, hinamon ng Pangulo ang mga Pinoy partikular ang kabataan na patuloy na isapuso ang legasiya at pamana ni Lapulapu, na naging pundasyon ng kalayaang ipinaglaban ng iba pang bayaning Pilipino.

Sinabi pa ni Marcos na ang katapangan at pagmamahal ni Lapulapu sa bansa ay isang pwersa ng integridad na kayang tibagin kahit ang pinaka-malakas na kalaban.

Iginiit ng Pangulo na ito ang kina-kailangan ng bansa ngayon, at hinimok nito ang mga Pilipino na tumindig laban sa modern-day oppressors na kanyang tinukoy bilang pagiging gahaman, makasarili, at pagkakabukod-bukod o divisiveness.

About The Author