Alinsunod sa kampanya laban sa mga pekeng produkto ang National Bureau of Investigation-Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD), nagsagawa ng operasyon sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan ng Cavite kung saan nasamsam ang mga pekeng Louis Vuitton bag.
Ayon kay NBI Dir. Judge Jaime Santiago, nag-ugat ang operasyon kasunod ng reklamo ng isang Mayank Vaid, representative ng Louis Vuitton, laban sa ilang indibidwal at entity na bahagi sa hindi awtorisadong pagbebenta at pamamahagi ng mga pekeng produkto na may Louis Vuitton trademark.
Isinilbi ng mga operatiba ng NBI ang search warrant sa mga establisyemento na matatagpuan sa General Trias at Imus, Cavite kung saan nasamsam ang mga pekeng produkto na nagkakahalaga ng ₱121,622,838.00.
Pinuri naman ni Santiago ang mga operatiba ng NBI-IPRD para sa matagumpay na pagpapatupad ng nasabing warrants.
Kasabay nito pinaalalahanan ni Santiago ang publiko na huwag tangkilikin ang mga pekeng produkto.