dzme1530.ph

Mga payo ni dating Sen. Enrile, dapat sundin ng mga kasalukuyang senator-judges

Loading

Iginiit nina Senate Minority Leader Koko Pimentel at Sen. JV Ejercito na dapat pakinggan ng mga senator-judges sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ang mga naging  pahayag at  payo ni dating Senate President at ngayon ay presidential legal counsel Juan Ponce Enrile.

Sinabi ni Pimentel na dapat na pakinggan ng senator-judges ang pahayag na ito ni Enrile na beterano na sa paghawak ng impeachment trial.

Makabubuti din aniyang pakinggan nila ang iba pang mga opinyon lalo na ang pananaw ng  mga legal scholars  o’ legal experts na kumuwestiyon sa mga nagiging hakbangin ng senate impeachment court tulad ng ginawang pagbabalik sa Kamara ng articles of impeachment.

Binigyang-diin ni Pimentel na pareho sila ng pagkakaintindi ni Enrile sa nakasaad sa konstitusyon na dapat agarang inaksyunan at sinimulan ng Senado ang impeachment process matapos matanggap ang articles of impeachment.

Tumanggi namang magkomento si Pimentel sa sinabi ni Enrile na ang pagkakaantala ng impeachment proceedings at ang paghahain ng mga petisyon sa Korte Suprema ng kampo ng bise presidente ay indikasyon naayaw nitong humarap sa paglilitis.

Sinabi naman ni Ejercito na matapos silang manumpa bilang senator judge dapat iwasan na nila ang pagsasalita at pagkokomento ukol sa impeachment case lalo na kung may kinalaman sa merito.

Kasabay nito, nilinaw ni Ejercito na procedural lamang ang naging hakbang ng impeachment court na ibalik sa Kamara ang articles of impeachment dahil sa may isyu kung maaaring tumawid sa 20th Congress ang impeachment proceedings.

About The Author