Inaasahang papalo sa 200,000 ang dadagsa sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ngayong Miyerkules Santo, o huling araw ng trabaho ngayong linggo para sa maraming Pilipino.
Ayon kay Kolyn Calbasa, Senior Corporate Affairs Officer ng PITX, ilang scheduled trips sa Bicol Region ay fully booked na subalit maaari pa rin namang pumila ang mga biyahero para makasakay sa provincial buses bilang chance passengers.
Sinabi ni Calbasa na ang daily average ngayong taon ay 150,000 passengers at inaasahan nilang tataas pa ito sa 200,000 ngayong araw.
Aniya, nakipagpulong sila sa bus companies para sa paglalaan ng additional units upang matugunan ang demand, lalo na sa mga pasaherong biyaheng Bicol.
Pagtiyak pa ni Calbasa, kahit nagfu-fully booked na ay marami pa rin silang bus units sa terminal.