Target ni Senate Committee on Games and Amusement Chairman Erwin Tulfo na simulan sa susunod na linggo ang pagtalakay sa mga panukala laban sa online gambling.
Ayon kay Tulfo, kakausapin din niya ang kanyang mga kasama sa komite upang bumuo sila ng united stand kaugnay ng online gambling.
Sa sandaling makabuo sila ng iisang posisyon, ipi-presenta ito kay Senate President Francis Escudero, at posible na ring manawagan sila kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maglabas ng executive order upang ipagbawal ang online sugal.
Sinabi ni Tulfo na malala na ang epekto ng online gambling kaya’t dapat na itong aksyunan.
Kasabay nito, hinimok ni Tulfo ang dalawang kongresistang nahuling nag-online gambling sa gitna ng sesyon na humingi ng paumanhin sa publiko.
Aniya, nakakadismaya na sa kabila ng pagbabawal sa lahat ng opisyal at kawani ng pamahalaan sa pagsusugal ay maaktuhan pa ang dalawang mambabatas na nagsusugal habang nasa oras ng trabaho.