Sa gitna ng malawakang pagbaha na tumama sa iba’t ibang rehiyon, isinusulong ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang tatlong panukalang naglalayong palakasin ang kakayahan ng bansa sa disaster resilience at kontrol sa baha.
Ayon kay Pangilinan, hindi na pansamantala ang problema sa pagbaha, taun-taon na itong bumabalik, dala ng malalakas na bagyo gaya ng Bagyong Crising at ng pinalakas na habagat.
Kaya naman iginiit ng senador ang pangangailangan ng pambansa at maka-agham na diskarte para tugunan ang lumalalang epekto nito sa buhay, kabuhayan, at imprastruktura.
Isa sa mga panukala niya ang Rainwater Runoff Management and Control Act, na layong pigilan ang labis na pag-agos ng tubig-ulan at epekto nito sa lupa, kalidad ng tubig, at polusyon.
Layunin din nitong gamitin ang rainwater sa irigasyon, pang-apula ng sunog, at iba pang hindi inuming gamit gaya ng panlinis ng sasakyan, pandilig, at pag-flush ng inidoro.
Ipinanukala rin ng senador ang National Land Use Act of 2025, na naglalayong bumuo ng National Geo-Hazard Mapping Program upang matukoy ang mga lugar na mataas ang panganib sa baha, landslide, at iba pang natural na sakuna.
Samantala, sa ilalim ng proposed National Water Resources Management Act, iminungkahi ni Pangilinan ang paglikha ng Department of Water Resources, na siyang mangunguna sa komprehensibong plano para sa paggamit at pamamahala ng tubig sa buong bansa, mula flood control, patubig, sewerage, hanggang drought management.
Ipinaliwanag ng senador na may mga probisyon sa mga panukala ang magtitiyak ng transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo para sa flood control.