dzme1530.ph

Mga paliparan, naka-heightened alert na para sa Undas —CAAP

Loading

Isinailalim ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang lahat ng airports sa buong bansa sa heightened alert status para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa papalapit na Undas.

Sinabi ni CAAP Director General (Ret.) Lt. Gen. Raul del Rosario na inatasan niya ang lahat ng area managers na maghanda para sa mahigpit na pagpapatupad ng safety at security measures, at upang matiyak ang maayos na operasyon at convenience ng mga pasahero.

Inaasahan ng CAAP na aabot sa 5.8 million ang air passengers ngayong taon, o 7 hanggang 10 porsiyentong mas mataas kumpara sa 4.8 million passengers na naitala noong nakaraang taon na bumiyahe mula Oktubre hanggang Nobyembre.

Ayon sa ahensya, may mga Malasakit Help Desks na itinalaga sa lahat ng airports para tumulong sa mga biyahero, bukod pa sa mga ipinakalat na security personnel at medical teams na naka-standby.

About The Author