Nanawagan si Sen. Sherwin Gatchalian sa Department of Education (DepEd) na tiyakin ang kahandaan ng mga paaralan sa paggamit ng alternative learning modalities tuwing suspindido ang face-to-face classes dahil sa bagyo o kalamidad.
Ayon sa senador, mahalaga na mayroon nang sapat na kagamitan at kaalaman ang mga guro upang maipagpatuloy ang edukasyon ng mga mag-aaral kahit sa gitna ng masamang panahon.
Dagdag pa nito, ang pagpapalawak ng paggamit ng teknolohiya sa edukasyon ay susi upang masigurong hindi mapuputol ang pagkatuto ng mga bata kahit sa panahon ng krisis.
Ginawa ng senador ang pahayag kasunod ng kautusan ng DepEd na awtomatikong magsasagawa ng alternative delivery modalities (ADM) para sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 2, alinsunod sa DepEd Order No. 37, series of 2022.
Binibigyang-diin ni Gatchalian na ang patuloy na paggamit ng teknolohiya, at pagpapalakas ng kapasidad ng mga guro, ay mahalagang hakbang upang panatilihin ang kalidad ng edukasyon sa bansa, kahit sa hindi inaasahang sakuna.