Kinumpirma ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na dadalo na ang mga opisyal ng Malakanyang, na una nang ipinapasubpoena ni Sen. Imee Marcos, para humarap sa pagdinig kaugnay sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Escudero na pumagitna na siya sa executive department at sa Senado at napagkasunduang iurong ang ikatlong pagdinig sa April 10.
Hindi naman tinukoy isa-isa ng senate leader ang mga opisyal ng Malakanyang na dadalo sa pagdinig.
Muling binigyang-diin ni Escudero na hindi niya nanaisin na mag-ugat ang pagdinig sa panibagong hindi pagkakaunawaan kaya’t nagdesisyon siyang pumagitna.
Hangga’t maaari aniya ay dapat pagmulan ito ng pagkakaisa, paghilom at mas malalim na pagkakaunawaan na magagawa kung masasagot ang mga katanungan.
Kabilang sa ipinatatawag sa Senado sina Justice Sec. Boying Remulla, DILG Sec. Jonvic Remulla, Defense Sec. Gilbert Teodoro, ilang opisyal ng Armed Forces of the Philippines at ng Philippine National Police kabilang na si CIDG Dir. Nicolas Torre III.
Inaasahan ng Senate President na magkakaroon ng buhay na palitan ng pananaw, tanungan at sagutan sa pagpapatuloy ng pagdinig.