Pinatitiyak ni Sen. Risa Hontiveros kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na mapapatawan ng pinakamabigat na parusa kabilang na ang criminal liability ang mga opisyal nilang sangkot sa pagpapatakas sa puganteng Koreano.
Sinabi ni Hontiveros na nakumpirma mismo sa CCTV footages na hindi lang basta nakatakas ang puganteng Koreano mula sa Bureau of Immigration kundi sadya siyang pinatakas.
Kahit naaresto na ulit ang dayuhan, aminado si Hontiveros na nakakabahala na kung hindi pa isiniwalat sa publiko ang impormasyon ng pagtakas ng pugante ay posibleng hindi pa nagkaroon ng manhunt.
Patunay aniya ito ng kabiguan at iregular na gawain ng BI sa paghawak sa mga dayuhan at tila hindi nawawala ang kultura ng katiwalian sa ahensya.
Sinabi ni Hontiveros na isusulong niya ang pagsisiyasat sa insidente sa susunod nilang pagdinig kung saan ipapa-subpoena niya ang mga CCTV footage, kasama na ang CCTV sa loob ng Pegasus, dahil posibleng doon nagkaroon ng transaksyon.
Umaasa si Hontiveros na magkakaroon ng kahit konting hiya ang mga kawani ng gobyerno kasunod ng insidenteng ito.