Nanawagan si Sen. Sherwin Gatchalian sa Department of Migrant Workers (DMW) na tiyaking makakabalik sa normal na pamumuhay ang OFWs mula Lebanon na nakatakdang i-repatriate sa Pilipinas.
Ang patuloy na pagpapauwi ng pamahalaan sa mga OFW sa Lebanon ay sa gitna na rin ng geopolitical tensions na nangyayari ngayon sa gitnang silangan.
Iginiit ni Gatchalian na kabilang sa suportang dapat na maibigay ng ahensya ay ang access sa medical at psychological support para matugunan ang trauma, stress at iba pang pisikal na hamon na maaaring maranasan na mangangailangan ng specialized treatment.
Mahalaga rin aniya ang pagkakaroon ng reintegration efforts tulad ng livelihood programs, job opportunities, at skills training para mapahusay ang paghahanap ng trabaho at ang pagbabalik sa workforce ng bansa.
Binigyang-diin pa ng senador na responsibilidad ng pamahalaan na tiyaking makatatanggap ng suporta ang OFWs sa kanilang pagbabalik bansa.