dzme1530.ph

Mga negosyong makikiisa sa EBET program, bibigyan ng tax incentives

Bibigyan ng tax incentives ang mga negosyong makikiisa sa Enterprise-Based Education and Training program para sa pag-aangat sa kakayanan at paghahanda sa Filipino workforce.

Sa kanyang talumpati sa Ceremonial singing sa Malacañang ng Republic Act no. 12063 o ang Enterprise-Based Education and Training (EBET) Framework Act, inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ia-alok ang fiscal incentives para sa enterprises na magpapatupad ng EBET programs, kabilang ang deduction sa kanilang taxable income na katumbas ng 50% ng kanilang magagastos sa actual training.

Kasama rito ang On-the-Job Trainings, Apprenticeships, at Upskilling.

Exempted din sa buwis ang donasyon o financial aid ng technical vocational institutions para sa EBET program, na may certification ng TESDA.

Itatatag naman ang one-stop shop portal para sa nasabing incentives.

Sa ilalim ng bagong batas, palalakasin ang pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor para sa dekalidad na training na angkop sa industriya, upang mabigyan ng akmang karanasan ang trainees na kanilang kakailanganin sa mundo ng pagta-trabaho. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author