Naniniwala ang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nais kopyahin ng grupong nagsimula ng kaguluhan sa Recto Avenue sa Maynila ang mararahas na kilos-protesta sa ibang bansa.
Ayon kay NCRPO chief, Police Brig. Gen. Anthony Aberin, umabot sa 102 katao, kabilang ang ilang menor de edad, ang dinakip matapos ang protesta kahapon na nauwi sa karahasan at pagkasira ng mga ari-arian.
Dagdag pa ni Aberin, may iniidolong rapper ang mga kabataang nagpasimuno ng gulo na umano’y nag-udyok sa kanila na sumali sa rally at takpan ang kanilang mukha gamit ang panyo sa paniniwalang “no face, no case.”
Nagsimula umanong maghagis ng molotov cocktails ang mga raliyista nang harangin sila ng pulisya para hindi makapasok sa Mendiola.
Bukod dito, pinaghampas ng grupo ang mga traffic lights, sinunog ang isang motorsiklo, at nanira ng ari-arian sa lobby ng isang hotel sa kahabaan ng Recto Avenue.