dzme1530.ph

Mga nakatayong istruktura sa mga waterways, pinabubusisi sa Senado

Loading

Pinatutukoy ni Sen. Erwin Tulfo ang mga istrukturang nakabara sa mga waterways na isa sa mga sanhi ng matindi at paulit-ulit na pagbaha.

Sa kanyang privilege speech, iginiit ni Tulfo na dapat magkaroon ng malawakang imbestigasyon ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ukol sa mga hindi awtorisadong istrukturang humahadlang sa mga waterways at natural drainage systems sa buong bansa.

Ito ay kasunod ng pagtungo ni Tulfo sa Puerto Princesa City, Palawan, na lubusang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at habagat kung saan may 6,000 indibidwal ang napilitang ilikas.

Iginiit ni Tulfo na ang pagharang sa mga waterways ay hindi lamang harap-harapang paglabag sa mga batas para sa kalikasan kundi naglalagay din sa panganib ang mga residente.

Nanawagan ang senador ng imbestigasyon sa malawakang pagbaha hindi lamang sa Palawan kundi maging sa ibang bahagi ng bansa, upang mas mapalakas pa ang mga batas at ang implementasyon nito.

Binigyang-diin pa ng mambabatas na walang sinuman, kahit ang mga makapangyarihang indibidwal, ang maaaring maglagay ng pansariling interes kapalit ng kaligtasan ng publiko, kaayusan ng kapaligiran, at batas.

Hinimok din ni Tulfo ang Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), Department of Public Works and Highways (DPWH), at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magsagawa ng imbestigasyon at magbigay ng listahan ng mga hindi awtorisadong istrukturang humaharang sa waterways at natural na daanan ng tubig sa lalawigan ng Palawan at buong rehiyon.

 

 

 

About The Author