Hiniling ni Sen. Grace Poe sa gobyerno na huwag munang pagbayarin ng multa ang e-bikes at e-trikes user na unang nahuli ngayong linggo sa implementasyon ng kautusang nagbabawal sa mga ito sa national road.
Ito ay kasunod ng kautusan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., sa MMDA at sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na bigyan ng grace period o palugit ang mga e-bikes at e-trikes.
Ayon sa Chairperson ng Senate Committee on Public Services, dapat lamang na kasama sa mabigyan ng grace period ang mga e-bikes at e-trikes na unang nahuli mula sa multa at impounding.
Ang intensyon aniya ng Pangulo sa ibinigay na palugit ay para bigyan sila ng sapat na panahon na makasunod at maka-adjust sa bagong regulasyon.
Aminado ang mambabatas na marami ang naguluhan sa kung ano ang ipinagbabawal at saan lamang maaaring dumaan ang mga light electric vehicles na hindi naman sakop ng ban.
Hinikayat din ni Poe ang MMDA at LGUs na gamitin ang panahon na ito para ipaalam sa publiko ang bagong direktiba mula sa Pangulo.